Our Lady of the Annunciation Parish
Home » Spiritual Aid » Novena Prayers » Nobena sa Mahal na Birhen ng Anunsasyon
Nobena sa Mahal na Birhen ng Anunsasyon

Pambungad na Awit – Awit ng Anunsasyon

Awit kay Maria ng OLAP

  • Pahayag ni Gabriel kay Mariang Birhen
    Ina ng Diyos payak kang hirang
    Naglihi kay Kristo lalang ng Espiritu Santo
    Anak ng Birheng Maria.

Koro:

Aba Maria Ina ng Diyos
Aming giliw, Inang Sinta
Aba Maria Ina ng Diyos
Ikaw ay amin ding Ina.

  • Sa bawat araw may dalanging alay
    Medalyon niya sa tuwina’y taglay
    Ang Diyos Anak Kapatid na Kristo,
    Wika’y masdan ‘yong Ina.

 

I. PAGBATI
Binabati ka namin Maria aming Ina. Masdan mo kami bilang mga anak sa harap ng kanilang ina. Batid namin na dinidinig at tinutugon mo ang aming mga karaingan. Nakikigalak kami sa iyo O Birheng Maria sapagkat ang Panginoon na aming Tagapagligtas ay kapiling mo.

II. PAGSISISI
O Panginoong Jesu-Kristo, Diyos na totoo at taong totoo na Siyang lumikha at tumubos sa amin sa pagkakasala, naninikluhod kami sa harap ng Iyong kadakilaan at kaluwalhatian. Taos puso kaming nagsisisi sapagkat nagkasala kami sa Iyo, Panginoon na marapat naming ibigin nang buong puso. Sumasampalataya kami sa Iyong walang hanggang awa. Ikaw ang aming Panginoong Diyos na minamahal namin nang higit sa lahat. Sa tulong ng Iyong banal na grasya, kami ay nagtitika at nangangakong ikukumpisal ang aming mga kasalanan at magsisikap na iwasan ang daan tungo sa pagkakasala. Nawa sa pamamagitan ng iyong pagdurusa, pagkamatay sa krus at muling pagkabuhay, kami ay mapatawad Mo.

Sa nobenang ito kay Maria na Iyong Ina at Mahal na Birhen ng Anunsasyon, tulungan Mo kaming makilala at mahalin Kang lubos. Taglay ang pagnanais na matularan ang katapatan ni Maria, nawa’y maging tapat kami sa Iyong kautusan upang maging karapat-dapat sa Iyong kaharian.

III. PAGSAMO
Mahal na Birhen ng Anunsasyon, hinirang ka ng Diyos na Kataas-taasan upang maging kalinis-linisang Ina ni Jesus. Kami ay nagagalak sa dakilang biyaya na ipinagkaloob sa iyo upang dalhin sa iyong sinapupunan ang Diyos na nagkatawang-tao. Tunay na ikaw ay banal na pagtitiwala at matatag na kanlungan! Ang Ina ng Diyos na Ina rin namin. Dalhin mo kami Ina sa Panginoon na aming pag-asa at sinasamba.

O Pinagpalang Maria, ikaw ay Ina ng Kaligtasan. Ikaw ay Ina ng Katarungan. Bigyan mo kami ng inspirasyon sa pamamagitan ng iyong maalab na pananampalataya sa Diyos na Tagapagligtas upang ang matapat na pananampalataya namin sa Kanya ay magdulot sa amin ng buhay na walang hanggan. Pasiglahin mo ang nananamlay naming espiritu sa pamamagitan ng Iyong pag-asa para sa Simbahan upang patuloy na maranasan namin ang pag-asang ipinagkaloob ni Kristo sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng hiwaga ng pagkakatawang-tao ni Jesus. Itulot mong maging huwaran namin ang bukas-palad mong pagsunod sa Diyos para sa katubusan ng sangkatauhan.

O Ina namin, kami ay nananangan sa iyong pananampalataya, pag-asa, at pagiging bukas-loob. Ipinagkakatiwala namin sa iyo ang aming mga sarili upang hindi kailanman maging alipin ng kasalanan ng pagmamataas, bagkus ay mamuhay kami nang may kababaang-loob at kadalisayan.

Itinatalaga namin ang aming sarili sa iyo nang habambuhay sapagkat ang tanging hangarin namin ay mahalin ang iyong dakilang Anak na si Jesus. Amen.

IV. PAGNINILAY (Basahin ang pagninilay para sa takdang araw.)

V. PANALANGIN PARA SA BAWAT ARAW (Basahin ang panalangin para sa takdang araw.)

VI. PANALANGIN NG BAYAN

Tagapamuno: Sinugo ng walang-hanggang Ama ang Anghel Gabriel upang ihatid kay Maria ang Mabuting Balita ng kaligtasan. Dumulog tayo sa Diyos at taimtim na manalangin:

Panginoon, punuin Mo ng pag-ibig ang aming mga puso.

1. Hinirang Mo ang Birheng Maria upang maging Ina ng Iyong Anak. Kaawaan Mo ang lahat ng
naghahanap ng Iyong biyaya at kaligtasan. Manalangin tayo.

2. Sinugo Mo ang Anghel na si Gabriel upang ihatid kay Maria ang Iyong mensahe ng kapayapaan at
kagalakan. Ipagkaloob Mo sa mundo ang kagalakan ng kaligtasan at ang biyaya ng tunay na kapayapaan.
Manalangin tayo.

3. Sumang-ayon sa Iyo si Maria, siya ay nililiman ng Banal na Espiritu at ang Iyong Salita ay nanahan sa
amin. Buksan Mo ang aming mga puso upang tulad ni Maria ay tanggapin din namin si Kristo.
Manalangin tayo.

4. Tanglawan Mo ng Iyong pag-ibig ang mga aba, at pagkalooban Mo ng biyaya ang mga nagugutom. Iahon
Mo sa dusa ang mga nalulungkot at nangangailangan. Aliwin Mo at bigyan ng kalakasang espirituwal
ang mga nag-aagaw-buhay. Manalangin tayo.

5. Panginoon, aming Diyos, Ikaw lamang ang nakagagawa ng mga kamangha-manghang bagay at sa Iyo,
ang lahat ay nakapangyayari. Dulutan Mo kami ng ganap na kaligtasan sa muling pagkabuhay ng mga namatay na tao sa wakas ng panahon. Manalangin tayo.

6. Sa katahimikan ng ating mga puso, ipanalangin natin ang ating pangsariling pangangailangan (manahimik
sandali). Manalangin tayo.

Tagapamuno: Panginoong aming Diyos, minarapat Mo na ang Birheng Maria ay maging huwaran ng lahat ng ibig tumanggap at magsabuhay ng Iyong Salita. Buksan Mo ang aming mga puso upang Ito ay tanggapin namin nang may kagalakan. Sa pamamagitan ng Iyong Espiritu, tulutan Mong manahan at magkaroon ng kaganapan sa amin ang Iyong Salita. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ng Iyong Anak na si Jesus. Amen.

VII. Memorare

Alalahanin mo, O mapagmahal na Birheng Maria, na kailanman ay hindi nangyari na binigo mo ang mga naninikluhod sa iyo at humihiling ng grasya. Dahil sa tiwala namin sa iyo, agad-agad kaming lumalapit sa iyo, O Birhen ng mga birhen, aming Ina. Lumalapit kami sa iyong harapan, mga makasalanan at namimighati. O Ina ng Salitang nagkatawang tao, pahalagahan mo ang aming mga kahilingan, at sa iyong habag ay pakinggan mo kami at tugunin. Amen.

PAGNINILAY AT PANALANGIN SA BAWAT ARAW

Unang Araw: Maria, Napupuno ng Grasya
Nang ikaanim na buwan ng pagdadalantao ni Elisabet, ang Anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito. “Matuwa ka! Ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos,” wika niya. (Lukas 1:26-28)

Pagninilay

Sa ebanghelyo ni Lukas, si Maria ay tinawag hindi sa kanyang pangalan kundi sa mga katagang “napupuno ng grasya,” na ang kahulugan ay kinalulugdan, hinirang, pinakamamahal. Si Maria ay mahigit pa sa kanyang pangalan, at lalo’t higit sa kanyang katauhan. Siya ang ating Inang pinagpala sapagkat siya, na isang tao, ay malayang pinili ng Diyos upang maging Ina ni Jesus. Siya ang kalugud-lugod na anak ng Diyos, na punung-puno ng pagpapala.

Ang pagkakaroon ng malalim na kaugnayan ni Maria sa kanyang Anak ay dahil sa malayang kapasiyahan ng Ama. Kung tutuusin, hindi siya kinakailangan ng Ama ngunit nais Niyang maging masagana at puno ng pagpapala ang lahat. Ang Kanyang pagmamahal sa kabutihan at kaayusan ang nagbunsod sa Ama upang gawin Niya ang lahat sa gayong paraan. Dahil sa Kanyang pagmamahal sa atin na Kanyang mga nilalang, iginawad ng Ama sa Kanyang kinalulugdang anak na si Maria ang lahat ng pagpapala upang maging Ina ng lahat.
Katulad ni Maria, tayo man ay mga kinalulugdang anak ng Diyos, nagtatamasa ng maraming biyaya, at hinirang upang tumanggap ng kabutihan Niya. Kung babalikang tanaw natin ang mga yugto ng ating buhay, makikita natin ang mga bakas ng pag-ibig, ang mga tanda ng kabutihan at ang mga hiwatig ng napakaraming biyaya. May mga walang kahulilip na biyaya ng pag-unawa at mga tanda ng pagbibigay pag-asa na marapat nating pasalamatan.

Kaya nga, kinakailangan natin ng isang pusong marunong tumanaw ng utang na loob upang mapahalagahan natin ang lahat ng grasyang ipinagkakaloob sa atin. Ang patuloy na pasasalamat at pagtanaw ng utang na loob ay kailangan nating isabuhay na kung saan ang mga biyaya ay pinahahalagahan, ang pagpapala at mga pangyayari sa ating buhay ay ipinagdiriwang at ang ating tagapagpala ay lubos na pinapupurihan. Kaya’t tayo ay taos-pusong manalangin ng pasasalamat sa tuwina sa ating Panginoong Diyos sa labis-labis na pagpapalang ibinibigay Niya sa atin.

Panalangin

Ama naming nasa langit, tunay Kang makapangyarihan at buhay sa habang panahon. Pinasasalamatan Ka namin sa pagbibigay Mo ng lahat ng biyaya sa Iyong kinalulugdang anak na si Maria upang maging Ina ng Iyong mahal na Anak na si Jesus at Ina ring naming lahat. Taus-pusong pasasalamat din sa Iyo sa pagsugo Mo sa Anak Mong si Jesus upang aming maging manunubos at tagapagligtas. Salamat sa paglalang at sa pagbibigay Mo ng kaningningan at kahulugan sa aming buhay sa mundong ito.

Sinasamba at pinasasalamatan Ka namin dahil sa Iyong walang hanggang kabutihan at pagmamahal. Panginoon, tunay ngang napakabait Mo sa aming mga anak Mo. Kasama ang Iyong Anak na si Jesu-Kristo at ang Banal na Espiritu at si Mariang aming Ina, marapat lamang na ihandog namin sa Iyo ang aming papuri at walang hanggang pagtanaw ng utang na loob. Utang namin sa Iyo ang lahat-lahat sa aming buhay. Kinikilala namin ang Iyong walang hanggang kapangyarihan at kadakilaan nang may kabababang loob. Dahil sa Iyo kaya kami ay nabubuhay at nagtatamasa ng kaligayahan at ng Iyong mga biyaya. Kung wala Ka, walang kabuluhan ang aming buhay. Tanggapin Mo ang aming walang kupas na pagmamahal, at walang hanggang pagsamba at pamimintuho sa Iyo.

Aming Ama, sisikapin naming masuklian ang iyong pagmamahal at patuloy na pagkupkop sa amin. Tatalima kami sa Iyong mga kautusan. Patuloy kaming magpapatotoo sa Iyong kadakilaan at kapangyarihan. Idadambana namin at itatampok ang Iyong matamis na pangalan. Ikaw lamang ang aming Panginoon, Ikaw lamang ang aming Diyos, ngayon at magpakailanman. Amen.

Ikalawang Araw: Maria, Ang Sanhi ng Ating Galak
“Matuwa ka, ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos” (Lukas 1:28)

Pagninilay

Magalak! Ito ang salita na ginamit ng mga propeta sa pagbadya ng pagdating ni Jesus na ating Tagapagligtas. “Umawit ka nang malakas, Lungsod ng Israel! Magalak ka nang lubusan, Lungsod ng Jerusalem!” (Sof. 3:14). Sa ebanghelyo ni San Lukas, “Matuwa ka, ikaw ay kalugud-lugod sa Diyos,” ang winika ni Anghel Gabriel sa pagbati niya kay Maria. Ito naman ang masisiglang katagang namutawi mula sa labi ni Maria nang sabihin niyang “Ang puso ko’y nagpupuri at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas.” (Lukas 1:46-47)

Pinili ng Diyos si Maria na maging Kanyang Ina nang Siya ay magkatawang tao. Dahil dito ang bawat Kristiyano ay nakikiisa kay Birheng Maria sa kanyang kagalakan. Ang kalungkutan at hapis na dala ni Eba sa mundo na dulot ng kanyang pagsuway ay pinawi ng galak at tuwa ni Maria sa kanyang pagtalima sa ating Panginoon. Ang pagsang-ayon niya na maging Ina ng Diyos dito sa lupa ay naging sanhi ng ating walang kapantay na kagalakan. Nang dahil sa kanyang Anak na si Jesus na nagsilbing alay ng Diyos sa sangkatauhan ay natubos tayo sa ating mga kasalanan at sa tiyak na walang hanggang pagdurusa. Muling nabuksan ang pinto ng langit at tayo ay muling nakapagbalik-loob sa Diyos.

Sa ating mundong ginagalawan ngayon ay maraming tao ang naghahangad ng kaligayahan ngunit sa lihis na paraan. Marami sa atin ang nagnanais makamit ang ligaya mula sa mga materyal na bagay lamang. Ngunit ang tunay na kaligayahan ay matatagpuan sa pag-asam ng kabutihan tulad ng pagkakamit ng buhay na walang hanggan na masusumpungan lamang sa piling ng ating Ama sa langit. Ito ang dalisay na kasiyahan na naging katiyakan sa pamamagitan ni Maria.

Panalangin

Panginoong Diyos, minarapat Mong bigyan ng kagalakan ang daigdig sa pamamagitan ng pagkakatawang tao ng Iyong Anak. Inihandog Mo ang Iyong bugtong na Anak upang mailigtas ang mga makasalanan at makabahagi sila sa buhay na walang hanggan. Pahintulutan Mo na kami na nagbubunyi kay Maria, ang sanhi ng aming galak, ay laging sumunod sa Iyong mga utos na kalakip ang aming mga pusong naghahanap lamang ng wagas na kaligayahan. Pagkalooban Mo kami ng biyaya na maibahagi ang kagalakang natagpuan namin sa mga salita at mga gawa ni Maria sa lahat ng naninikluhod sa Iyo upang makamit ang Iyong pagpapala. Ipamalas Mo sa amin na ang kagalakan ay nakalaan sa amin sa lahat ng pagkakataon, kahit sa munting pagpapakasakit, dahil iginawad kay Maria ang kapangyarihan upang matulungan ang mga nagdadalamhati.

Mahabaging Ama at Panginoong nagdudulot ng lahat ng kaligayahan, tulutan Mong sa Iyong mapagpalang kabutihan sa aming nagpipitagan kay Maria, ang kalinis-linisang Ina ng Diyos, na aming tagaaliw, ay maging karapat-dapat na makamit namin ang walang hanggang kaligayahan sa langit sa piling niya at ni Jesus na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.

Ikatlong Araw: Maria, Mapag-aliw sa mga Nagdurusa
“Si Maria ay nabahala sa mga binigkas na salita, nagulumihanan
kung ano ang ibig ipahiwatig ng pagbating ito.” (Lukas 1:29)

Pagninilay

Si Maria bilang Ina ni Jesus ay isang halimbawa ng katatagan at ng pagkamaawain at pagdamay. Naramdaman niya sa kanyang puso ang ulos ng pighati nang ipahayag ni Propeta Simeon ang nakatakdang kamatayan ng Anak ng Diyos. Gayundin ang kanyang pagdurusa sa pagtakas nila sa Ehipto kung saan sila ay pinaratangan at ipinagtabuyan. Kahabag-habag din ang pagkasiphayo ni Maria at ni Jose nang si Jesus ay nawala sa templo.

Nagdurugo rin ang puso ni Maria nang masaksihan niya kung paano binuhat ng kanyang Anak ang napakabigat na krus papuntang Kalbaryo. Habang nasa paanan ng krus, durog ang pusong pinagmasdan niya ang pagdurusa at pagkamatay ng kaisa-isang Anak. Naroon din siya upang kandungin ang wala nang buhay na si Jesus na ibinaba sa krus. Namalas niya nang ang kanyang Anak ay inihimlay sa libingan.

Sa tahimik na pagdadalamhati ni Maria sa lahat ng ito, ang kanyang pananampalataya sa Panginoon ay hindi nabuwag kahit sandali man lamang. Gabundok ang kanyang pagdurusa subalit higit dito ang kanyang pag-asa at pagtitiwala sa muling Pagkabuhay ng Panginoon. Sa halimbawa ni Maria, ang lahat ay tinatawagang mapagtagumpayan ang pagdurusa at maging aliw ng lahat ng nagdadalamhati.

Panalangin

Ama namin sa langit, inihandog Mo sa amin si Maria upang maging Ina rin namin. Sa pamamagitan niya na isa ring Ina at alam ang lahat ng pakikipagtunggali ng kabutihan laban sa kasamaan, gayundin ang liwanag laban sa kadiliman, kami ay nagsusumamo sa Iyo bilang mga anak Mong hapo na sa buhay at nalulunod sa pighati. Ngayon, ang aming puso ay nakikiisa sa puso ng Mahal na Birheng Maria na tigmak ng pagdurusa at pagkasiphayo sa mundo sa kasalukuyang panahon. Nakikiisa kami sa sakit na kanyang nararamdaman sa pagdurusa ng aming mga kapatid sa mga bansang may digmaan, sa mga nagbabanta ng terorismo at karahasan, sa laganap na kahirapan at kawalan ng katarungan sa lipunan, sa kalungkutan ng mga nakakulong sa piitan, sa pagkabuwag ng katatagan ng pamilya at sa pilit na sumisira sa kasagraduhan ng buhay, at sa pagkamatay ng mga minamahal sa buhay.
Sa tulong ng Ina ng Salitang nagkatawang Tao, nananalangin kami na ipadama Mo sa amin ang Iyong awa upang mapagaan ang mga dalahin, at magbigay ng lunas at kapanatagan sa lahat ng nagdurusa at nagdadalamhati.

Ama namin, lumalapit kami sa Iyong mahal na Ina na turuan kaming mga anak niya na maging maawain at karamay ng mga nangangailangan. Tulungan mo kami, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na puksain ang lahat ng uri ng kasamaan.
Sa pamamagitan ng Mahal na Birhen ng Anunsasyon, hinihiling namin ang muling pagpapanibagong buhay ng mundo. Dahil sa kanya, ang Iyong paghahari ay nagbukang-liwayway, isang kaharian na kung saan namamayani ang grasya ng pagdaramayan at pagtutulungan na galing sa Salitang nagkatawang-Tao. Amen.

Ikaapat na Araw: Maria, Reyna ng Kapayapaan
Sinabi ng Anghel na si Gabriel kay Maria, “Huwag kang matakot, Maria,
sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos.” (Lukas 1:30)

Pagninilay

Tunay na sa pamamagitan ng Inang Birhen, walang dapat matakot sapagkat ang “Panginoon ay sumasaatin…” Ang Panginoon lamang ang maaaring magkaloob ng kapayapaan na hindi kayang ipagkaloob ng mundo.

Si Maria ay simbolo ng kapayapaan. Sa kanyang mga aparisyon, karamihan ay sa mga bata siya nagpakita. Mahal ni Maria ang mga bata sapagkat makikita sa kanilang mga puso hindi lang ang wagas na pag-ibig kundi maging ang tunay na kapayapaan.

Saksi ang kasaysayan sa pagnanais ni Maria bilang Ina na magkaroon ng kapayapaan ang sangkatauhan. Noong 1917, ang Papa Benedicto XV ay nanawagan sa buong mundo na dumulog kay Maria, ang Reyna ng Kapayapaan. Sinabi rin ni Maria sa tatlong bata sa Fatima na kailangang ialay ang sangkatauhan sa kanyang Kalinis-Linisang Puso upang magkaroon ng panahon ng kapayapaan.
Sa Lourdes, ang Mahal na Birhen ay paulit-ulit na nagpaalala sa lahat upang tumugon sa panawagan ng kapayapaan. Alam niyang sa pamamagitan ng pagpapakasakit, naipakikita sa Panginoon ang lubos na pagsisisi na ang dulot ay ang pakikipagkasundo sa Lumikha.

Totoong sa loob ng maraming panahon, ang mga aparisyon ni Maria kahit saan man ay isang panawagan sa sangkatauhan upang magsisi at manalangin para sa kapayapaan.

Panalangin

Mapagmahal na Ama, sa pamamagitan ng aming Ina, ang Mahal na Birhen ng Anunsasyon, turuan Mo kaming maging mapayapa at panatag upang madama namin ang Iyong banal na presensiya habang kami ay nananalangin para sa aming mga pangangailangan at mga minimithi.

Makapangyarihang Ama, sa pamamagitan ni Maria, ang Reyna ng Kapayapaan, nawa ay pagkalooban Mo kami ng katiwasayaan sa aming mga puso tulad ng ipinagkaloob Mo sa kanya sa Anunsasyon.

Ama, itulot Mo na saklolohan kami ng Mahal na Birhen sa aming mga karaingan at makamtan namin ang lahat ng aming kahilingan sa nobenang ito. Amen.

Ikalimang Araw: Maria, Ina ng Katarungang Panlipunan
“Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at Siya’y tatawagin mong Jesus.
Magiging dakila Siya at tatawaging Anak ng Kataas-taasan.” (Lukas 1:31-32)

Pagninilay

Maria, Ina ng Pangkalahatang Katarungan. Ang mahalagang papel na ito ng mahal na Birhen ay binigyan ng natatanging pansin ni Papa Juan Pablo II. Ang katarungang panlipunan ay humihingi ng ating pantay-pantay na pagtingin sa bawat tao kahit ano pa ang kanyang kalagayan sa buhay, edad, hanapbuhay, tinapos sa pag-aaral, paniniwala sa pulitika, o kasarian.

Sa panahong ito na higit na pinahahalagahan ang pangsariling kabantugan, materyalismo, at malakas na tawag ng komersiyalismo, minarapat ni Maria na makilala bilang isang “anawim,” ang mga aba ng Panginoon. Siya ay tagapaglingap ng mga aba na pinangyayarihan ng Panginoon ng mga kahanga-hangang bagay. Anupa’t ang buhay ni Maria ay kahalintulad ng matibay na paniniwala ni Judith sa Lumang Tipan: “Manapa’y Kayo ang Diyos ng mapagkumbaba, tumutulong sa mahihirap, umaalalay sa mahihina, lumilingap sa mga walang kakayahan, at Tagapaglitas ng mga nawawalan ng pag-asa.” (Judith 9:11)

Ang pagpaparangal kay Maria ay hindi nangangahulugan ng pagwawaksi ng ating paghahangad at pagkauhaw sa katarungan. Sa pagiging huwaran ni Maria sa ating mga puso, tayo ay hinahamon upang ang mga pagtangis ng mga dukha, nangangailangan at nawawalan ng pag-asa ay akuin natin.

Ang tunay na pamimintuho kay Maria ay kinakailangang patungo hindi lang kay Jesus kundi maging sa ating kapwa, na kinapapalooban ng pantay-pantay at walang pag-aalinlangang pakikipag-ugnayan.

Panalangin:

Makapangyarihang Ama, ibinigay Mo sa amin si Maria, Ina ng aming Tagapagligtas, upang maging huwaran namin. Pasiglahin Mo kami tulad ni Maria upang matugunan namin ang pangangailangan ng aming kapwa, maunawaan ang pagluha ng kanilang puso, makibahagi sa kanilang mga pangamba at kabiguan; at upang bigyan ng pag-asa ang mga pinanghihinaan ng loob.

Turuan Mo kami Panginoon kung paano, kailan, at saan kami dapat magtungo upang aming matagpuan ang mga kapatid na nangangailangan at nasasaktan. Nawa ang aming mga puso ay mapuno ng Iyong pag-ibig upang lagi naming naisin na pagsilbihan Ka sa aming kapuwa – nang walang hinihintay na ano mang kapalit. Ito ay hinihiling namin sa pangalan ni Jesus, sa pamamagitan ng Mahal na Birhen ng Anunsasyon. Amen.

Ikaanim na araw: Maria, Ina ng Liwanag
“Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan.
Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos.” (Lukas 1:35)

Pagninilay:

Isang pinagpalang sandali ang naganap nang ang Salita na kasama ng Diyos sa pasimula pa ay nagkatawang-tao kay Maria sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan ng Kataas-taasan – na naging daan upang si Jesus ay ating maging kapatid, at si Maria, ating Ina.Tunay ngang si Maria ay Ina ng Liwanag sapagkat ang kanyang Anak na si Jesus ay Ilaw ng Sanlibutan (Juan 8:12).

Siya ang propeta na nagsilang sa Salita, ang pag-asa ng mga nagdurusa at alipin ng kasalanan. Si Maria ay bukal ng pag-asa, tulad ng walang maliw na paghihintay niya sa pagdating ng ipinangakong Mesiyas, ang dakilang Hari. Isa siyang tanglaw na nagbibigay-liwanag sa daan patungo sa kanyang Anak na si Jesus upang ang sinumang sumunod sa Kanya ay di lumakad sa kadiliman.

Tayo rin ay tinatawag ng Diyos upang gawin Siyang isang katotohanan sa Kanyang sambayanan sa pamamagitan ng paghahatid ng Mabuting Balita sa mga napapagal sa kanilang mabigat na pasanin, at sa pagbibigay ng pag-asa sa mundong lubhang nangangailangan ng kaligtasan.

Katulad ni Maria na huwaran ng pag-asang walang kabiguan, hayaan nating tayo ay mapuspos ng Banal na Espiritu upang tayo ay maging testamento ng pag-asa na laging handa sa pinananabikang pagdating ng Kanyang Anak na si Jesu-Kristo. Sa ating paglalakbay sa buhay na ito, dumulog tayo sa Diyos sa pamamagitan ni Maria na ating Ina upang kanyang saklolohan laban sa kapangyarihan ng kadiliman.

Panalangin

Ama, katulad ng Iyong ipinangako, ipinadala mo ang Banal na Espiritu upang manahan sa amin at nang maiahon Mo kami sa kadiliman patungo sa Iyong kahanga-hangang Liwanag. Lagi Mo itong ipaalala sa amin kapag kami ay nanganganib at ang aming buhay ay tigib ng kapighatian. Punuin mo kami ng pag-asa upang ipagkatiwala ang lahat sa Iyo na Siyang nakapangyayari sa lahat ng bagay.

Sa aming paglalakbay sa buhay na ito, ipadama Mo sa amin na ang lahat ng pagdurusa dito sa mundo ay tiyak na magwawakas sa pagdating ng Iyong Kaharian. Puspusin Mo kami ng Iyong Banal na Espiritu upang kami ay laging maging handang tumulong sa aming mga kapatid na tigib ng kalungkutan at kabiguan.

Nawa ay patatagin Mo kami sa Iyong pag-ibig at awa sa tuwing kami ay nabibingit sa kawalan ng pag-asa habang hinihintay namin ang aming pinakaaasam na buhay na walang hanggan. Ito ay hinihiling namin sa pangalan ng Iyong anak na si Jesus, sa pamamagitan ng Mahal na Birhen ng Anunsasyon, ang Ina ng Liwanag. Amen.

Ikapitong Araw: Maria, Saklolo ng mga Kristiyano
“Natatandaan Mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya’y baog,ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao – sapagkat walang hindi makapangyayari ang Diyos.” (Lukas 1:36-37)

Pagninilay

Ang pakikiisa sa Mahal na Ina ay isang paraan ng pakikibahagi ng tao sa bigkis ng pakikipag-ugnayan ni Maria sa Panginoon.
Matapos ang Anunsasyon at ang pagbabalita ni Anghel Gabriel na ang kanyang pinsang si Elisabet ay anim na buwan na sa pagdadalantao, puspos ng pag-ibig, nagmamadali siyang naglakbay sa tahanan ni Elisabet upang makibahagi sa makalangit na pagpapala. Ito ay pagtupad ng isang katungkulang makiramay sa mga nangangailangan. Walang pag-aalinlangan na ang pagdalaw ng Mahal na Ina ay dahil sa kanyang pag-ibig, kababaang loob at pagtalima sa Diyos.

Ang Mahal na Birheng Maria ay huwaran ng pagmamahal. Ang kanyang makainang pag-ibig sa Anak na si Jesus ay siya ring pag-ibig na ipinadarama niya sa mahihirap, mga makasalan, mga pinabayaan, at lahat ng taong humihingi ng tulong.

Ang puso ng Mahal na Birheng Ina ay nagdurugo kapag nakikita niyang may pagkakahati-hati sa isang pamilya. Ilan na bang tahanan ang may naliligaw ng landas? Ilan na bang pamilya ang nagdurusa dahil sa pagmamatigas ng isang anak sa pananatili sa paggawa ng kasalanan? Naglalaho na ang kapayapaan saanman walang pag-ibig at paggalang sa kanyang Anak na si Jesus.

Ang ating Inang Maria ay saksi sa lahat ng kasiphayuan sa buong mundo, subalit hindi siya natitinag sa kanyang pagmamahal sa atin nang dahil sa kanyang Anak na si Jesus. Tunay na napakadakila ng kanyang pagnanais na ang bawat Kristiyano ay mapalapit at makiisa sa kanyang Anak.

Panalangin

Panginoon, mahal naming Ama, kami ay naninikluhod sa Iyo, buo ang loob na kami ay madulutan Mo ng liwanag ng Iyong pagpapala at pagmamahal.Sa pagkakataong ito na kami ay nangangamba sa lahat ng pagdurusa sa buong mundo, kung saan ang pag-ibig ay unti-unti nang naglalaho sa mga pamilya at mga kapwa-tao, kung saan napapansin namin ang pagkakalayo at paghihiwalay sa lahat ng dako ng mundo, kung saan wala na ang pagmamahal at paggalang sa iyong Anak na si Jesus, kami ay humihiling sa pamamagitan ng Mahal na Ina upang matagpuan namin ang liwanag at kalakasan sa Iyo.

Panginoong mapagmahal, hinihiling naming tanglawan Mo ang mga pinabayaan, ang mga may kapansanan, ang mga ulila sa tunay na pag-ibig ng isang ama at isang ina. Sa pamamagitan ng awa ng mapagmahal na Ama, matagpuan nawa nila ang kapayapaan, pag-asa, at pagkakaisa ng buong kaganapan.

Nagsusumamo kami sa Iyo Ama. Batid naming hinding-hindi Mo malilimutan kaming Iyong mga anak. Ikaw ang mapagpalang Ama, tumutulong at gumagabay sa amin. Umaasa kaming mapagagaan Mo ang bigat na dalahin at pagdurusa ng mag-anak. Tulungan Mo kaming Iyong mga anak na maranasan ang pagmamahal at pagkakaisa na ninanais Mong maghari sa bawat tahanan. Bilang huwaran ng kabutihan, ipakita mo sa amin kung paano magpunla ng mabuting ugnayan sa ibang tao, isang napakabisang paraan upang maitaguyod ang pagkakaisa at pagbubuklod ng mga puso.

Ama namin, nagpupuri kami at nagpapasalamat sa Iyo sa lahat ng pagpapalang ibinahagi Mo sa abang Birheng Ina. Kami ay nananalig sa Iyong pagmamahal at awa. Umaasa kami na ipagkakaloob Mo ang aming isinasamo sa Iyo, at hinihiling namin sa pamamagitan ni Maria, ang grasya na mabuhay at mamatay sa Iyong pagmamahal. Amen.

Ikawalong Araw: Maria, Alipin ng Panginoon
Binigkas ni Maria, “Ako ay alipin ng Panginoon.” (cf Lukas 1:38)

Pagninilay

Nang tanggapin ng Mahal na Birhen ang mensahe mula sa Anghel Gabriel na siya ang magiging Ina ni Jesus, itinalaga niya ang sarili sa paglilingkod sa Panginoon. Sa pagtanggap niya na siya ang magiging Ina ni Jesus, isinantabi niya ang sarili at inialay ito nang buung-buong upang maging bahagi siya sa gawa ng pagliligtas. Ang lubusang pag-aalay ng sarili ay ang kanyang mapagmahal na tugon sa maka-Diyos na tawag.

Nang bigkasin ng Mahal na Birhen ang mga katagang “Ako ang alipin ng Panginoon,” ipinahihiwatig niya ang kanyang kababaang loob at bukas na paglilingkod sa pagtanggap na siya ay alipin ng Panginoon, mga katangian ng Mahal na Ina na dapat nating tularan. Ang bukas-loob at mapagbigay na puso ng Mahal na Ina upang tupdin ang tawag ng Diyos na maging bahagi siya sa kaligtasan ng tao ay tunay na paglalarawan ng kanyang katapatan sa Kanya.

Nang marinig ng Mahal na Ina mula sa Anghel Gabriel na ang kanyang pinsan na si Elisabet ay nagdadalantao sa katandaan nito, dali-dali siyang lumisan na nag-uumapaw ang puso upang dalawin at alagaan ito. Nadama ng Mahal na Birhen ang pangangailangan ng kanyang pinsan kaya siya ay nanatili sa tabi nito at walang kapagurang inihandog ang sarili, lakas at panahon sa paglilingkod sa kanya. Ito ang dalisay, huwaran at walang halong pag-iimbot na pagmamahal ng Birheng Maria sa kapwa.

Sa buong buhay ni Jesus, si Maria ay patuloy na nasa kanyang tabi at laging handang magsilbi upang matugunan ang mga pangangailangan Niya sa lahat ng oras. Hanggang sa huling sandali, sa paanan ng krus, isinabuhay niya ang kanyang pagka-Ina at lubusang itinalaga ang sarili kay Jesus.
Panalangin

Panginoon, aming mapagmahal na Ama, Ikaw ang nagtanim sa aming mga puso ng mga biyaya ng paglilingkod, pagkakawanggawa, pagkalinga at pagtugon. Buong kababaang loob kaming lumalapit sa Iyo. Pagkalooban Mo kami ng diwa ng maka-Diyos Mong pag-ibig upang tularan namin ang Mahal na Birhen. Turuan Mo kaming paglingkuran Ka nang walang pag-aalinlangan at tugunan Ka nang walang hinihintay na kapalit. Tangkilikin Mo nang buong pagmamahal ang aming pamilya at mga kapatid. Buksan Mo ang aming mga puso at isipan upang maunawaan namin na kami ay Iyong mga nilalang. Tulungan Mo kaming iwaksi ang aming sarili at tugunan ang Iyong pagtawag upang kami ay maging karapat-dapat Mong kasangkapan sa Iyong mga gawain.

Ama, bago pa mandin tugunan namin ang Iyong pagtawag, nabalangkas Mo na ang lahat ng balakin para sa amin. Tulungan Mong maunawaan namin na Ikaw ang nangingibabaw sa aming buhay. Bigyan Mo kami ng pusong laging nananabik na magmahal, lumingap at maglingkod sa Iyo. Lahat ng ito ay aming ipinapanalangin sa makapangyarihang pangalan ng Panginoong Jesu-Kristo, at sa pamamagitan ng Mahal na Birhen ng Anunsasyon. Amen.

Ikasiyam na Araw: Maria, Ina ng Pananampalataya
“Panginoon, Mangyari nawa sa akin ang Iyong sinabi.” (cf Lukas 1:38)

Pagninilay

Ang pananampalataya ay isang paniniwala na hindi nangangailangan ng katibayan. Gayon na lang ang pananampalataya ni Maria kaya walang pag-aalinlangang tinanggap niya ang kanyang pagdadalantao at pagsilang kay Jesus. Ipinagkaloob niya ang kanyang paniniwala at pananalig sa ating Ama. Naroon si Maria sa bawat yugto ng buhay at mga gawa ni Jesus – na kanyang sinilayan, niyakap, at pinuspos ng pagmamahal. Namalas ang kahanga-hangang pananampalataya ni Maria sa kanyang pagiging masunurin sa gawain ng pagliligtas ng Panginoon.

Ang winika sa ebanghelyo na “Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon” (Luke 1:45) ay patungkol kay Maria. Inilalarawan siya bilang isang huwarang mananampalataya sa pagtanggap niya nang walang alinlangan sa pahayag ng sugong anghel kahit ito’y imposibleng mangyari para sa tao. Siya ang matapat na kasangkapan upang ang Salita ng Diyos ay maging buhay sa atin. Ang kanyang walang alinlangang panananamplataya ay dapat tularan. Kaya naman, karapat-dapat siyang tawaging Ina ng Simbahan. Siya ay huwaran ng Panginon dito sa lupa, kung paano dapat mamuhay ang tao.

Panalangin

Amang makapangyarihan, kami ay Iyong mga anak. Kami ay tumatawag sa Iyo at sumusunod sa yapak ng Iyong anak na si Jesus. Biyayaan Mo kami upang mapasaamin at maisabuhay ang pananampalataya ni Maria upang kami ay maging karapat-dapat sa ipinangako Mong buhay na walang hanggan. Ama, punuin Mo ang aming mga puso ng pananampalataya upang matanggap namin ang kalooban Mo nang walang alinlangan. Tulungan Mo kaming harapin ang lahat ng hirap at pagsubok sa buhay. Nawa ay linisin Mo ang aming mga isipan sa mga alalahanin at mga kalituhan. Huwag Mong itulot na kami ay mag-atubili sa aming pananampalataya.
Ama, tawagin Mo kaming Iyong mga anak. Aliwin at kahabagan Mo kami. Sa aming pagpapahayag kay Birheng Maria bilang Ina ni Jesus at Ina ng Simbahan, nawa ang aming pakikipag-isa sa Iyong Anak ay magdulot sa amin ng kaligtasan. Lahat ng kapurihan at kaluwalhatian ay sa Iyo Ama magpasawalang hanggan. Amen.