Dininig ng Panginoon ang aking panalangin sa pamamagitan ng Mahal na Ina
By Josie Geronimo
Noong taong 2006, ako po ay nagkasakit. Nagpatingin po ako sa doktor at ang sabi po ay kailangan akong i-confine sa ospital dahil napakataas ng aking blood sugar. Ako po ay natakot at nagkaroon ng niyerbyos. Nagdasal ako sa Panginoon. “Lord tulungan mo po ako sa aking karamdaman. Bahala na po kayo sa akin. Ako po ay nananalig na kayo po ang dakilang manggagamot.”
Binigyan ako ng aking doktor ng “letter of admission” para ako ay i-admit na sa ospital. Dumating ako sa ospital ng alas otso ng gabi, subalit walang kuwarto kaya sa “emergency” ako napunta at inobserbahan.
Mga ala una na ng umaga ay wala pa ring bakante kaya tumawag ang aking doktor sa emergency na kunan ulit ako ng test sa blood sugar. Nang kinunan ako ay bumaba na ang aking blood sugar kaya nagdesisyon ang mga doctor na pauwiin na lang ako.
Subalit pagkatapos ng tatlong araw, nang nagpatingin ulit ako, tumaas na naman ang aking blood sugar. Nagreseta ang doctor ng mga gamot. Inisip ko nang inisip ang aking sakit. Hindi ako nakakatulog. Hirap na hirap na ako.
Isang gabi, umiyak ako at nagdasal. Humingi ako ng awa at tulong sa Panginoon at sa ating mahal na Ina na pagalingin ako sa lahat ng aking karamdaman sa aking katawan at ang lahat ay aking gagawin. Nangako akong magsisilbi sa simbahan at inialay ko ang aking buhay sa ating mahal na Panginoon at sa mahal na Ina.
Pagkatapos kong magdasal, ako ay nakatulog nang mahimbing. Paggising ko sa umaga ay bumuti na ang aking pakiramdam. Nadama ko ang pagmamahal ng mahal na Ina sa akin dahil sa lahat ng panalangin ko, ako ay kanyang tinulungan sa kanyang anak na si Jesus na ako ay pagalingin sa aking karamdaman.
Noon namang Setyembre 2006, kinuha ako bilang Vice President-Internal sa PPC. Ako ay nanalangin sa Panginoon na kung ito ang ibibigay Niya sa akin na gawain ay tatanggapin ko nang naaayon sa Kanyang banal na kalooban. Sa abot ng aking makakaya, ginampanan ko ang iniatang sa akin na mga gawain sa ating parokya.
January 2, 2007: Tumawag ang aking anak na nakatira sa States na mag-apply kami ng Visa ng kanyang daddy para makapunta kami ng February sa doon. Hiniling ko sa Panginoon na at sa mahal na Ina na kami ay makapasa sa aming interview. January 24, 2007 ang aming interview sa U.S. Embassy. Kami ay nakapasa at binigyan ng multiple Visa kaya tuloy ang alis namin ng February 12. Subalit hindi po kami nakaalis dahil may mga naging hadlang. Nagkasakit ang aking anak at naoperahan gayun din ang aking asawa na nagkasakit at na-confine sa ospital. Ang lahat ng aking panalangin at dasal ay dininig ng ating Panginoon at mahal na Ina at pinagaling ang aking anak at asawa sa kanilang karamdaman.
Dumating ang May 1. Nagmiting ang PPC at ipinahayag ni Fr. Mario Sanchez na ako ang kanyang napili upang mamuno sa PPC. Ako ay napaiyak. Doon ko lubusang napagtanto na kaya pala maraming pagsubok sa aking buhay at hindi kami pinaalis sapagkat may ibang plano pala ang Panginoon para sa akin na ako ang mamuno sa ating parokya. Ako ay nananalig at nagtitiwala sa Panginoon at mahal na Ina na ako ang kanyang tutulungan sa lahat ng mga gawain sa ating parokya. Ang lahat po ay aking gagawin upang maging isang mabuti at tapat na naglilingkod sa ating Panginoon at sa sambayanan ng OLAP. |