Our Lady of the Annunciation Parish
Home » Spiritual Aid » Novena Prayers » Our Lady of the Annunciation Novena
Prayers for the Visit of the Image of
Our Lady of the Annunciation

Panalangin Sa Pagtanggap     

O Ina ng Diyos at Ina namin, Mariang pinagpala, kami ay nalulugod at nagpupuri sa pagdalaw mong ito sa aming tahanan na iyong minarapat na maging pugad ng pag-ibig. Sa loob ng ilang araw na pamamalagi ng imahen ng Mahal na Birhen ng Anunsasyon, igawad mo sa amin Inang sinisinta ang iyong pagkalinga. Basbasan mo kaming lahat sa tahanang ito at huwag mong itulot na kami ay makagawa ng ano mang ikalulumbay mo. Kami ay iyo, aming Reyna at aming Ina. Ingatan at ipamagitan at ipamagitan mo kaming lagi sa iyong Anak na si Jesus ngayon at magpakailan pa man. Amen.

Panalangin ng Pamamaalam

O Inang kaibig-ibig, dumating na ang sandali ng paglisan sa aming tahanan ng iyong imahen ng Mahal na Birhen ng Anunsasyon na pinanatili mo sa amin sa loob ng ilang araw. Hindi kayang sambitin ng aming mga labi ang kaligayahang nag-uumapaw sa aming mga puso.
Dulot ng iyong pagmamahal aming Ina, minarapat mong makiisa sa amin kahit sumandali lamang. Salamat Ina, salamat. Itulot mo na muling magbalik sa aming piling ang iyong banal na imahen. Dito ay hihintayin ka namin nang buong pananabik. Sa paglisan ng iyong mahal na imahen, baunin mo ang aming pagmamahal at ang aming mga puso. Huwag mong ipahintulot na makalimot kami sa Iyo o mawalay sa iyong pagkalinga ngayon at magpakailanman. Amen.